-- Advertisements --

May katamtamang tiyansa na mabuo bilang tropical depression ang binabantayang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa sunod na 24 oras.

Sa monitoring ng state weather bureau nitong umaga ng Miyerkules, namataan ang namumuong sama ng panahon sa distansiyang 1,665 kilometers sa silangan ng Eastern Visayas.

Ayon sa state weather bureau, posibleng pumasok ito sa PAR, bukas araw ng Huwebes, Oktubre 16.

Sa oras na pumasok ito sa PAR, ito na ang magiging ika-18 tropical syclone sa bansa at tatawaging Ramil.

Base sa forecast ng state weather bureau, tatahakin ng Ramil ang northern Luzon area, na magdadala ng malawakang pag-ulan hanggang sa weekend.

Subalit, kahit walang bagyo, karamihan ng parte ng Luzon at ilang parte ng Visayas ang makakaranas pa rin ng makulimlim na papawirin na may dalang mga pag-ulan dahil sa dalawang weather systems.

Samantala, inaasahan naman ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin sa nalalabing parte ng bansa na may magkakahiwalay na mahihinang pag-ulan hanggang sa isolated rainshowers o thunderstorms.