-- Advertisements --

Isa si Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste sa 12 mambabatas na bumoto ng “No” sa P6.793 trilyong 2026 national budget na inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa nitong Lunes, Oktubre 14. 

Ayon sa Kongresista, nananatiling mataas ang presyo ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa kickbacks o komisyon, at ito umano ang dahilan kung bakit hindi niya masusuportahan ang panukalang pondo.

Binanggit ni Leviste ang pahayag ng dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa flood control hearings, na nagsabing “almost 100%” ng mga bidding ng DPWH ay kaduda-duda o rigged. 

Sa kabila ng mga pagdinig, hindi umano binago ang mga presyo ng proyekto sa panukalang budget.

Sinabi ni Leviste dapat binawasan ng 25% ang presyo ng DPWH projects para mabura ang tinatayang ₱150 bilyong kickbacks. Kapag hindi natin ginawa ito, para na rin tayong nagpondo ng mas maraming kickbacks para sa 2026.

Upang patunayan na maaaring magpatupad ng proyekto nang walang kickback, humiling si Leviste sa House Committee on Appropriations na bawasan ng 30% ang presyo ng mga proyekto ng DPWH sa kanyang distrito. 

Ang matitipid na ₱508 milyon ay nais niyang ilaan para sa pagpapatayo ng mahigit 200 silid-aralan sa Batangas.

Tinuligsa rin ni Leviste ang hindi patas na distribusyon ng pondo. 

Ani niya, bagamat 15% ng kabuuang populasyon at GDP ng bansa ay nasa Region IV-A (Calabarzon), 10% lamang ng DPWH budget ang napunta rito.

Nanindigan si Leviste na kung talagang seryoso ang Kongreso sa laban kontra korapsyon, dapat magsimula ito sa mismong alokasyon ng pondo. Dagdag pa niya, ang pagkakaroon ng mataas na presyo ay hindi dahil sa kalidad ng proyekto kundi dahil sa sistemang bukas sa katiwalian.

Naka-transmit na sa Senado ang 2026 General Appropriations Bill (GAB) para sa sariling deliberasyon nito. Inaasahang mapipirmahan ito bilang batas bago matapos ang taon.