-- Advertisements --

Isinusulong ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson ang “retribution at restitution” formula sa paghabol sa mga opisyal at kontraktor na sangkot sa mga anomalya sa flood control at iba pang infrastructure projects.

Ayon kay Lacson, maaaring mabawi ng gobyerno at ng mga taxpayer ang humigit-kumulang P26 bilyon mula sa contracted flood control ghost projects sa pagitan ng 2023 at 2025 na nagkakahalaga ng P629 bilyon, kung isasauli ng mga sangkot ang 80% ng kanilang nakulimbat kapalit ng pinaikling sentensya sa kulungan.

Nguni’t iginiit ni Lacson na ang mga magsasagawa ng imbestigasyon – kabilang ang Independent Commission for Infrastructure, Ombudsman, Department of Justice at hudikatura – ay may malaking papel dito.

Ipinaliwanag ni Lacson na ang plea bargaining ay maaaring gamitin upang masigurong makikipagtulungan ang mga nasasakdal, ngunit hindi ito maituturing na kompromiso.

“Siguro pwedeng i-direct ang investigation kasi di mo ma-expect na mag-cooperate fully yan kung walang plea bargaining. Hindi uso sa atin ang plea bargaining pero pwede magkaroon ng paguusap sa pamamagitan ng abogado ng gobyerno at nasasakdal,” aniya.

Dagdag pa ni Lacson, maaari ring makabawi ng dagdag na halaga ang pamahalaan kung hahabulin nito ang mga insurance companies na nagsilbing surety o garantiya sa mga kuwestiyonableng proyekto.

Maaari rin gamitin ang parehong pamamaraan sa iba pang proyekto tulad ng farm-to-market roads, school buildings, at multi-purpose buildings.

Binanggit din ni Lacson na dapat gawing inspirasyon ang galit ng publiko sa mga anomalya upang mapalakas ang determinasyon ng gobyerno kontra korapsyon.

Samantala, matapos ang kanyang pagbibitiw bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Lacson na magfo-focus siya sa pagdinig ng 2026 national budget at sa kanyang tungkulin bilang Senate President Pro Tempore at chairman ng Senate Committees on Accounts at Electoral Reforms and People’s Participation.