-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nakapagtala na ng isang patay at libu-libo ang nagsilikas sa iba’t ibang lalawigan sa Caraga Region dahil sa hagupit ng bagyong Basyang na nag-landfall sa bayan ng Bayabas, Surigao del Sur kagabi.

Ang naitalang patay ay isang ginang na natagpuang nasabit matapos matangay ng tubig-baha sa Andanan River sa Purok 9, Brgy Noli, Bayugan City sa lalawigan ng Agusan del Sur at ngayon ay nasa kostudiya na ng kanyang pamilya.

Habang nakapagtala rin ng daan-daang evacuees ang mga bayan sa mga lalawigan ng Surigao del Sur at Norte; Agusan del Sur at Norte pati na sa Dinagat Islands.

Habang inihayag naman ni Coast Guard Station Surigao del Norte Ensign Roy Christopher Orillaneda na nakapagtala na sila ng 171 na mga stranded na pasahero mula sa mga Surigao at Lipata Ports ng Surigao City at 69 naman na mga rolling cargoes matapos suspendihin ang biyaheng pandagat sa lahat na uri ng mga sasakyan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.