-- Advertisements --

Isinagawa ngayong araw ng pamahalaang lungsod ng Maynila katuwang ang Red Cross Manila ang isang pagpupulong upang paghandaan ang mga sakunang maaring kaharapin.

Dinaluhan mismo ito ng kasalukuyang alkalde ng Maynila na si Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso kasama pati ang honorary chairman ng Red Cross Manila Chapter na si dating Congressman Amado Bagatsing.

Sa naganap na meeting, layon na maseguro at mapalakas ang kahandaan ng lungsod sakaling maganap ang posibleng maranasang mga sakuna tulad ng lindol.

Partikular na binigyang atensyon at pokus sa naturang pagpupulong ay ang paghahanda sa posibleng maganap na ‘The Big One’ o malakas na lindol.

Habang dito rin napag-usapan ang patungkol sa pagpaplanong matiyak ang integrasyon ng mga kagamitan o resources ng lungsod sa oras na tumama ang matinding sakuna.

Ang ‘The Big One’ na siyang pinaghahandaan ng karamihan, ay inaasahang makapagdudulot ng matinding pinsala sa posibleng maranasang malakas na paglindol sa kalakhang Maynila.

Maaalala na nitong nakaraan lamang ay sunod-sunod ang mga naranasang pagyanig ng lupa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa Davao Oriental, Cebu, Zambales at iba pa na siyang nakaranas ng malakas na lindol kamakailan lamang.

Kaugnay rito’y inihayag ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang pagtitiyak sa kahandaan ng kanyang pinamumunuang lungsod.

Habang kasabay nito ang pag-rollout ng distribusyon sa higit 100-libong ‘Manila Vital Care Kits’ para sa mga residente ng lungsod.

Ito’y bilang kabahagi upang mapalakas at maseguro ang kahandaan ng publiko sa pagtugon sakaling may maganap na sakuna at emergency.

May laman itong mga medical and emergency response tools, blood pressure monitor, glucose monitor system, oximeter at iba pa.

Ayon sa alkalde, mauunang mabigyan ang mga senior high school at grade 10 students ng mga paaralan sa lungsod, barangay officials, health centers at iba pa para magsilbing multiplier force ng pamahalaan sa pagtugon sa oras ng sakuna.

Buhat nito’y paalala ng alkalde na ingatan ang mga kits at hinimok ang publiko na makiisa sa pagtutulungan maseguro ang kahandaan sa sakuna.