-- Advertisements --

Pormal na binuksan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.  ang Union Water Impounding Dam sa Claveria, Cagayan, bilang bahagi ng pagtutok ng pamahalaan sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga magsasaka.

Layunin ng proyekto na mabawasan ang pagbaha sa mga kalapit na barangay at magbigay ng irigasyon sa 1,050 ektaryang lupang pansaka, na makikinabang ang mahigit 1,000 magsasaka mula sa 7 barangay at 7 irrigators associations.

Ang dam ay bahagi ng Convergence Project ng DPWH at National Irrigation Administration (NIA).

Pinangunahan ni NIA Administrator Eduardo Guillen ang pagtatayo ng mga kanal at revetment structures upang mapabuti ang daloy ng tubig at maiwasan ang soil erosion.

Sa pagharap ng Pangulo sa mga magsasaka sa Cagayan, kaniyang binanggit ang mga programang inilunsad ng Department of Agriculture, tulad ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) mechanization program na nagbibigay ng mechanical dryers, tractors, threshers, at iba pang makinarya para mapabilis ang ani at pagpapatuyo ng palay.

Isinusulong din ng Pangulo ang Farm-to-Market Bridges Development Program, na layong makapagtayo ng 300 tulay sa loob ng apat na taon, para mas mapadali ang pagdadala ng ani sa mga pamilihan.

Ayon kay Pangulong Marcos, bahagi ito ng layunin ng administrasyon sa ilalim ng Bagong Pilipinas ang pag-angat ng lahat at walang maiiwan sa kahirapan.