-- Advertisements --

Nahaharap ngayon si Vice President Sara Duterte sa patung-patong na mga reklamo sa Office of the Ombudsman may kaugnayan sa umano’y koraspsyon.

Inihain ng mga lider mula sa ilang civil society groups ang reklamong plunder, graft and corruption, betrayal of public trust, malversation at iba pa laban sa ikalawang pangulo.

Ayon kay Fr. Flaviano Villanueva, isa sa mga complainants, layon anila sa paghahain ng mga reklamo na matuldukan ang ‘mockery’ o kawalan ng pagkilala sa ‘checks and balances’ nakasaad sa konstitusyon.

Umaasa aniya raw silang sa pamamagitan ng Ombudsman, mapagtitibay nito ang mga reklamong inihain laban kay bise presidente Duterte.

Hiling nila na mapanagot ang ikalawang pangulo sa umano’y maling paggamit nito ng confidential funds aabot sa halagang 612 million pesos.

Giit din nila na ang maling paggamit umano sa confidential funds na aabot sa higit kalahating bilyon sa Department of Education at Office of the Vice President ay batayan para masabing nagkaroon ng ‘betrayal of public trust’.

Kabilang sa mga naghain rin ng reklamo o complainants laban kay Vice President Duterte ay sina Fr. Robert Reyes, Terisita Quintos-Deles, former Presidential Adviser on the Peace Process, Dr. Maria Cielo Magno former Department of Finance Undersecretary at iba pa.

Habang bukod kay Vice President Sara Duterte ay kasama ring inirereklamo ay 15 opisyal mula Department of Education at Office of the Vice President, kabilang Zuleika Lopez ang Chief of Staff ng ikalawang pangulo.