Binigyang diin ng Kataastaasang Hukuman na hindi pa rin absuelto ang ikalawang pangulo ng bansa na si Vice President Sara Duterte mula sa kinakaharap nitong mga reklamo.
Ito’y kasunod ng ideklara ng Korte Suprema na ‘unconstitutional’ ang isinampang ‘articles of impeachment’ ng House of Representatives laban sa kanya.
Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting, ang deklarasyong ito ay hindi nangangahulugan ng pag-absuelto sa bise presidente sa kanyang kinasangkutang mga paratang.
Sa kabila nito’y ibinahagi naman niyang maari pa ring magsampa ng panibagong ‘impeachment complaint’ kontra sa akusadong opisyal ngunit ito’y sa susunod na taon pa ng 2026.
Nag-ugat kasi ang deklarasyong inisyu ng Korte Suprema matapos makitaan ng paglabag sa sinusunod na ‘1 year rule’ at bigong pagkilala sa karapatang magkaroon ng due process na nakasaa aniya sa Bill of Rights ng konstitusyon.
Habang kanya namang nilinaw na maari pang maghain ng mosyon ang panig ng kamara upang maiparekunsidera sa Supreme Court ang inilabas nitong resolusyon.
Dagdag pa rito’y ibinahagi ng naturang tagapagsalita ang desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen kung saa’y nakasaad dito ang tungkulin ng Korte Suprema na maipatupad ang kung ano ang naayon sa batas.
Aniya’y bagama’t isang ‘political process’ ang pagsasagawa ng ‘impeachment proceeding’, hindi pa rin ito nangangahulugang maituturing bilang ‘political proceeding’ lamang.
Magugunita sa isinagawang sesyon ng Supreme En Banc kahapon na nagkaisa ang mahistrado sa kanilang pagboto pabor sa deklarasyong ito.
Kaya’t ang articles of impeachment na ipinasa ng mababang kapulungan ng Kongreso sa Senado ay ipinawalang bisa ng Korte Suprema bilang ‘unconstitutional’ at ‘null and void’.