Kinumpirma ng mga awtoridad na tumutugma sa initial findings ng National Bureau of Investigation (NBI) ang viral dashcam footage sa Kennon Road, Benguet, kung saan kita si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral na nakaupo sa kalsada bago ang kanyang pagkamatay noong Disyembre 18.
Napatunayan din ng Philippine National Police (PNP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na ang selfie photo ng driver ni Cabral ay totoo at tumutugma sa taong nasa video.
Ayon naman kay PNP acting chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., malinaw na ang pagkakakilanlan ng labi, at nakatutok na raw ang PNP sa pag-iimbistiga kung ano ang tunay na nangyari sa dating DPWH official.
Tumutulong din aniya ang PNP sa pagkalap ng ebidensyang may kaugnayan kay Cabral na posibleng makatulong sa imbestigasyon sa maanumalyang flood control projects.
Bukod dito isinagawa rin ang crime scene reconstruction sa Kennon Road, at hinanap ng NBI ang hotel room ni Cabral kung saan nakumpiska ang mga personal na gamit at dokumento nito.
Samantala, ang mga labi ni Cabral ay kasalukuyang nasa memorial chapel sa Quezon City.















