Naglabas ng protesta ang Vietnam nitong Sabado laban sa mga pahayag ng China at Pilipinas kaugnay ng Sandy Cay, isang pinagtatalunang bahagi ng Spratly Islands sa West Philippine Sea (WPS) na itinuturing ng Vietnam bilang bahagi ng kanilang teritoryo.
Ayon kay Pham Thu Hang, tagapagsalita ng foreign ministry ng Vietnam, nagsumite na sila ng protest notes sa dalawang bansa bilang tugon sa umano’y paglabag sa kanilang soberanya. Giit ng Vietnam, ang Spratly Islands ay saklaw ng kanilang teritoryo at nanawagan ito sa mga sangkot na bansa na igalang ang kanilang karapatan at umiwas sa mga hakbang na lalong magpapainit sa tensyon.
Ang protesta ay kasunod ng palitan ng patutsada ng China at Pilipinas noong nakaraang linggo, matapos iulat ng Chinese state media na isinailalim na ng kanilang coast guard noong kalagitnaan ng Abril sa “maritime control” ang Tiexian Reef, bahagi ng Sandy Cay.
Bilang tugon, naglabas ang Philippine Coast Guard ng larawan kung saan makikitang itinaas ng mga sundalong Pilipino ang watawat ng bansa sa parehong lugar isang araw bago ang sinasabing paglagay ng watawat ng China sa Sandy Cay.
Matatagpuan ang Sandy Cay malapit sa Thitu Island (Pag-asa Island), na okupado at binabantayan ng Pilipinas.
Nananatiling mainit ang tensyon sa rehiyon, kung saan ilang bansa tulad ng Vietnam, Pilipinas, at Malaysia ang umaangkin din sa bahagi ng karagatang inaangkin halos ng buo ng China, ito’y kahit pa na kabila ng desisyon ng international tribunal na walang legal na batayan ang claim ng Beijing sa WPS.