Balak ngayon ng USA Basketball na gayahin din ang ginawa ng NBA bubble bago ipadala ang kanilang national team sa Tokyo Olympics.

Ayon sa USA Basketball managing director Jerry Colangelo, plano nilang gumawa ng pre-Olympic bubble sa Las Vegas.

Liban aniya sa Team USA, magkakaroon din sila ng exhibition games laban sa national team ng Australia at Spain.

USA 1
USA Basketball (file photo)

Karamihan sa bubuo ng naturang mga teams ay mula sa NBA rin.

Ang Team Spain na siyang reigning World Cup champions ay merong limang mga NBA players, habang ang Australia na nag-anunsiyo na rin ng mga players at merong 10 players na naglalaro ngayon sa NBA.

-- Advertisement --

Sinasabing balak ng Team USA na buksan ang training camp sa July 4, habang nagpapatuloy naman ang NBA playoffs.

Samantala, nagpetisyon na rin ang USA Basketball upang makiusap sa organizers ng Olympics na sana pwede pang magkaroon ng pagbabago sa line up hanggang sa mismong araw ng Olympiyada dahil sa panahon ngayon ng pandemya.

Nitong nakalipas na araw nagsagawa na ang FIBA (International Basketball Federation) ng draw para sa Tokyo Olympics men’s basketball competition mula sa headquarters sa Mies, Switzerland.

Napunta ang US Olympic Men’s Basketball Team sa Group A kasama ang 2019 FIBA World Cup bronze medalist na France, 2017 Asia Cup runner-up Iran at ang mananalo sa FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Victoria, Canada.

Ang preliminary round games ay gagawin sa July 25-Aug. 1.

Sisimulan ng American men ang kampanya sa Olympic preliminary round play araw ng Linggo, July 25 kontra sa France.