Ipinawalang bisa ng Korte ang pagiging alkalde ni Alice Guo sa Bamban, Tarlac matapos mag labas ng desisyon si Judge Liwliwa S. Hidalgo noong Hunyo 27, 2025.
Pinaburan ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 34 ang quo warranto petition ng office of the solicitor general laban kay Guo dahil siya ay walang kaduda-dudang Chinese dahil parehong Tsino ang kanyang Ama at Ina.
Ibig-sabihin ‘void’ o walang bisa mula pa sa simula ang pagka-alkalde ni Guo. Napatunayan rin sa Korte na si Alice Guo at ang Chinese citizen na si Guo Hua Ping ay iisang tao batay sa magkatulad na finger prints.
Itinanggi naman ng legal team ni Guo ang naging imbestigasyon ng National Bureau of Investigation at ang pag-akusa na ipinanganak ng mga magulang na Tsino si Guo.
Binigyang diin pa ng korte na ang Philippine passport ni Guo at ang kanyang birth certificate ay hindi sapat na ebidensya upang patunayan ang kanyang pagka-Pilipino.
Batay pa sa desisyon na hindi maikakaila ang pagka-Tsino daw ni Guo at ng kanyang mga magulang na dumating sa Pilipinas mula Fujian, China, noong Hulyo 12, 1999.
Ang desisyon ng korte ay nagpapahayag na hindi lamang siya diskwalipikado para sa posisyon bilang mayor, kundi hindi rin siya maaaring tumakbo para dito.
Binanggit pa ng korte na hindi nagbago ang kanyang diskwalipikasyon kahit pa siya ay nahalal at pormal na nanumpa sa kanyang posisyon. Ipinahayag din sa desisyon na ang kanyang proklamasyon ay walang bisa mula pa noong siya ay mag-file ng kanyang Certificate of Candidacy.
Matatandaan na noong August 2024, inutusan ng Office of the Ombudsman ang kanyang dismissal dahil sa pagkakadawit nito sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).