-- Advertisements --

Nangunguna ang bahagi ng EDSA sa pinakamaraming bilang ng mga naitalang aksidente noong nakalipas na taon mula sa lahat ng mga kakalsadahan sa Metro Manila.

Ito ay kinumpirma mismo ng Metropolitan Manila Development Authority.

Batay sa datos ng ahensya , aabot sa 8,873 na aksidente ang naitala sa kakalsadahan sa kahabaan ng EDSA .

Pumangalawa naman ang C-5 Road na mayroong 8,675 na mga naaksidenteng sasakyan habang sinundan ito ng nasa 5,091 road accident sa Commonwealth Ave.

Nakapagtala naman ang Quezon Avenue ng 2,883 na aksidente , Roxas Boulevard (1,659).

Ang data na ito ay inilabas kasabay ng isinagawang MMDA Metro Manila Road Safety Summit 2.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority , tumaas sa 39% ang bilang ng mga nasasawi dahil sa aksidente sa kalsada mula sa 7,938 deaths noong 2011 hanggang sa 11,096 deaths noong 2021.

Nangunguna pa rin ang aksidente sa kalsada sa pangunahing sanhi ng pagkakasawi ng mga Pilipino na may edad 15 hanggang 29 anyos.