Iginiit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang mga programang Ayuda sa Kapos ang Kita o AKAP at Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS ay hindi ginagamit sa pamumulitika.
Binigyang-diin ito ni Department of Social Welfare and Development Crisis Intervention Unit (CIU) Director Edwin Morata bilang tugon sa mga batikos na ginagamit umano ang mga programa ng pamahalaaan para sa pansariling interes lalo na noong nagdaang 2025 Midterm Elections.
Dagdag pa niya, may mga umiiral na polisiya upang mapanatili ang integridad ng mga programa laban sa sinumang tangkang gamitin ito sa pulitika katulad ng tinatawag nilang ‘anti-epal policy’ na layong mapanatili ang seguridad at limitahan ang presensya ng mga politiko sa panahon ng pamamahagi ng ayuda.
Binanggit din ni Morata ang Joint Memorandum Circular ng DSWD na inilabas kasama ang Department of Labor and Employment (DOLE) at National Economic and Development Authority (NEDA) bilang batayan ng gabay sa pagpapatupad ng programa. Ito ay payra masiguro ang layunin nitong makatulong sa mga manggagawang mababa sa minimum wage.
Kaugnay nito nilinaw niya rin na ang AICS ay hindi eksklusibong para lamang sa mahihirap.
Sa ilalim ng AICS, maaaring makakuha ng tulong para sa libing, medikal, pagkain, transportasyon, at pambayad sa ospital gamit ang guarantee letter. Nagbibigay rin ang programa ng psychosocial interventions tulad ng psychological first aid at counseling.
Samantala, ang AKAP ay nakalaan sa mga indibidwal na kumikita nang mas mababa sa minimum wage, sapagkat sila ang pinakaapektado ng implasyon at krisis sa ekonomiya.
Pagtitiyak ni Morata na ang lahat ng mga benepisyaryo ng mga programa ay dumaan sa masusing pagsusuri ng mga social workers ng kagawaran.