Kasalukuyang nasa Ukraine na ang matataas na military officials ng Amerika para talakayin ang mga hakbang para tuluyan nang mawaksan ang giyera.
Pinangunahan ni US Army Secretary Dan Driscoll ang delegasyon ng Amerika kasama pa ang senior military officials na sina US Army chief of staff Gen. Randy George, top US army commander in Europe Gen Chris Donahue, at Srg. Maj of the Army Michael Weimer.
Inaasahang makikipagkita ang US military officials kay Ukraine President Volodymyr Zelensky sa Kyiv ngayong Huwebes sa oras na dumating siya mula sa kaniyang biyahe mula sa Turkey.
Base sa reports, nakahanda ang US at Russia sa panibagong peace plan, na naglalaman ng mga pangunahing concessions mula sa Ukraine, subalit wala pang kumpirmasyon mula sa panig ng US o ng Russia hinggil sa naturang plano.
Una rito, pumalo na sa 26 na katao ang nasawi sa panibagong mga inilunsad ng Russia na missile at drone attack sa western city ng Ukraine na Ternopil.
Matatandaan, mahigit tatlong taon na ang nakakalipas mula nang ilunsad ng Russia ang full-scale invasion sa Ukraine noong Pebrero 24, 2022 na tinatayang kumitil na ng aabot sa isang milyong katao.
















