Matapos ang Angelus prayer sa St. Peter’s Square sa Vatican nitong Linggo, Enero 11, ipinagdasal ng lider ng Simbahang Katolika ang kapayapaan sa Middle East partikular na sa Iran at Syria, kung saan nagpapatuloy ang tensiyon na patuloy na kumikitil ng maraming buhay.
Ipinagdasal din ng Santo Papa na unti-unti ay maging mabunga ang diyalogo at kapayapaan para sa pagkamit ng pangkalahatang kabutihan ng buong lipunan.
Simula nga noong Disyembre ng nakalipas na taon, ang Iran ay nakakaranas ng panibagong mga demonstrasyon laban sa regime, na kumalat pa sa maraming probinsiya ng bansa hanggang sa nauwi sa kaguluhan kung saan pumalo na sa 500 ang napaulat na nasawi at ipinapanawagan ang pagwawakas ng kasalukuyang regime. Habang sa Syria naman, nakakaranas ng malawakang labanan sa mga nakalipas na araw sa pagitan ng army at Kurdish forces sa northern city ng Aleppo.
Isinama rin ng pontiff sa kaniyang dasal ang mga naghihirap, na naiipit sa giyera sa Ukraine at muling binuhay ang panawagan para sa pagtatapos ng karahasan at panibagong mga hakbang para makamit ang kapayapaan.
Ginawa ng Santo Papa ang panawagan sa gitna ng panibago nanamang mga pag-atake sa Ukraine partikular na sa mga pangunahing energy infrastructure ng Ukraine sa gitna ng pagigting ng malamig na panahon kung saan pinakaapektado dito ang mga sibilyan.
















