Hindi makikibahagi ang Vatican sa “Board of Peace” na pinamumunuan ni US President Donald Trump para pangasiwaan ang pamamahala at rekonstruksiyon ng Gaza.
Kinumpirma ito ni Vatican secretary of state Cardinal Pietro Parolin.
Ipinaliwanag ng Kardinal na hindi makikilahok ang Holy See sa naturang board dahil sa particular nature nito.
Nang matanong kaugnay sa partisipasyon ng Italy bilang observer sa Board of Peace, sinabi ni Cardinal Parolin na may ilang punto na aniya’y medyo nakapagtataka, at may ilang kritikal na isyu na dapat maresolba.
Isa sa mga ipinunto ni Cardinal Parolin ay dapat pagdating sa international level ang United Nation ang mangasiwa sa mga crisis situation. Isa aniya ito sa mga puntong kanilang iginigiit.
Una rito, mahigit 25 bansa na ang nag-anunsiyo na makikibahagi sa Board of Peace subalit ilang bansa rin ang tinanggihan ang imbitasyon ni Trump kabilang ang New Zealand, United Kingdom, Germany at France.
Samantala, nagpahayag din ng pagaalala ang Vatican Secretary of State kaugnay sa giyera sa Ukraine, ilang araw bago ang ikaapat na anibersaryo ng pagsiklab ng Ukraine-Russia war sa Pebrero 24.
Aniya, hanggang sa ngayon wala pang nagagawa ang parehong panig ng Ukraine at Russia na anumang tunay na progreso tungo sa kapayapaan makaliaps ang apat na taon.
















