Isang babaeng pulis ang nasawi at marami pang iba ang nasugatan nang yumanig ang lungsod ng Lviv sa western Ukraine, sa isang insidenteng itinuring ng mga awtoridad bilang “terrorist attack.”
Ayon sa ulat, nasawi ang 23-taong-gulang na pulis na si Viktoria Shpylka, habang nasira ang isang patrol car at isang sibilyang sasakyan. Dalawampu’t ilang katao pa ang sugatan.
Nagkaroon ng pagsabog habang tumutugon ang mga pulis sa ulat ng break-in sa isang tindahan malapit sa sentro ng lungsod.
Sinabi ng Ukrainian National Police na ginamit ang homemade explosives na inilagay sa mga basurahan.
Naganap ang unang pagsabog matapos dumating ang mga pulis, at sinundan ito ng isa pang pagsabog nang dumating ang ikalawang grupo ng mga opisyal.
Ayon kay Ukrainian President Volodymyr Zelensky, nakapiit na ang ilang indibidwal, kabilang ang isang 33-taong-gulang na babae mula sa Staryi Sambir malapit sa hangganan ng Poland, na pinaghihinalaang nagsagawa ng atake sa utos umano ng isang handler mula sa Russia.
















