-- Advertisements --

Hindi pa maipapatupad sa ngayon ang mandatory repatriation sa United Arab Emirates sa gitna ng tensiyon sa Gitnang Silangan.

Paliwanag ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, bagamat nakahanda na ang repatriation assistance, hindi pa ito maipatutupad dahil sarado ang airspace at mga paliparan sa UAE, na nasa Alert Level 2 pa lamang.

Aniya, ang mandatory repatriation ay ipatutupad kapag itinaas sa Alert Level 4.

Sa ngayon, prayoridad ang in-country assistance tulad ng pagkain, tubig, at iba pang pangunahing gamit ang pondo ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), lalo na sa mga nawalan o nahinto ang trabaho. Mayroon ding transport services at mga shelter, kabilang ang host country at OWWA shelters kung saan 20 OFWs na ang kasalukuyang nanunuluyan.

May nakahanda ring meeting points at exit points sa pakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA) at host countries upang mapadali ang pag-uwi sa oras na maging posible ang pagbiyahe.. Samantala, nagbigay na rin ng tulong ang OWWA sa mga na-stranded na OFWs sa Maynila, Clark, Hong Kong, at Singapore, ayon kay Administrator Patricia Yvonne Caunan.