Itinanggi ni U.S. President Donald Trump ang ulat na sinabi umano niyang atakihin ng Ukraine ang Moscow gamit ang long-range weapons mula sa Estados Unidos.
Ayon kasi sa inilabas na ulat ng Financial Times, tinanong umano ni Trump si Ukrainian President Volodymyr Zelensky kung kaya ba nitong bombahin ang Moscow at St. Petersburg bagay na itinanggi ng White House at ipinahayag na nag tanong lang umano ang Pangulo.
Ksabay nito, inanunsyo ni Trump ang bagong kasunduan sa pagpapadala ng mga military weapon sa Ukraine, kabilang ang Patriot missiles, at nagbanta ng 100% taripa kung hindi makakamit ang tigil-putukan sa loob ng 50-araw para sa mga bansang bumibili ng langis sa Russia.
Umani naman ito ng batikos mula sa ilang tagasuporta ni Trump at sinabing hindi aniya ito giyera ng Amerika. Samantala bumuwelta naman ang Kremlin at sinabing ang pagbibigay ni Trump ng mataas na taripa ay isa lamang pagpapahiwatig na gusto pa nitong lumala ang sigalot.
Sa kabila ng pangakong wakasan ang giyera, inamin ni Trump na nadidismaya siya kay Russian President Vladimir Putin at patuloy siyang gumagawa ng paraan para makamit ang kapayapaan.
Batay sa United Nation, higit sa 230 sibilyan ang napatay sa Ukraine nitong Hunyo —ang pinakamaraming bilang sa isang buwan mula nang magsimula ang digmaan tatlong taon na ang nakalipas.