Humaba pa ang listahan ng mga mayayaman at makapangyarihang personalidad sa buong mundo na nabanggit sa imbestigasyon kaugnay ng yumaong financier at convicted sex offender na si Jeffrey Epstein, matapos ilabas ng pamahalaan ng Estados Unidos ang panibagong bugso ng mga dokumento noong ika-30 ng Enero.
Ang pinakabagong inilabas na mga record sa tinawag na Epstein Files ay binubuo ng tinatayang 3-milyon na pahina ng dokumento, mahigit 108,000 na larawan, at halos 2000 video na naglalaman ng mga email, mensahe, tala ng biyahe, at bank records.
Kabilang sa mga nabanggit sa mga dokumento ang ilang kilalang personalidad gaya nina tech billionaires Elon Musk at Bill Gates, negosyanteng si Richard Branson, dating at kasalukuyang mga lider sa pulitika kabilang sina Donald Trump at Bill Clinton, pati mga opisyal, akademiko, at celebrity mula sa iba’t ibang bansa.
Sa mga dokumento, lumitaw ang palitan ng mensahe sa email nina Elon Musk at Jeffrey Epestien noong 2012 na may kaugnayan umano sa isang “Island Party” na pagmamay-ari ni Epstein, bagay na mariing itinangi naman ni Musk at sinabing kailan man hindi siya pumunta sa nasabing private island at iginiit na mas mahalaga umano ang pag-usig sa mga tunay na gumawa ng krimen.
Samantala, lumabas din sa record ang panglan ni US President Donald Trump kung saan nabangit ito umano ito ng daan-daang beses batay sa mga ti na natanggap ng FBI. Ngunit, karamihan sa mga ito ay hindi beripikado ayon sa mga awtoridad.
Nilinaw naman ng US Department of Justice na ang pagkakabanggit ng mga pangalan sa mga dokumento ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng pagkakasangkot sa ilegal na gawain, at marami sa mga personalidad ang mariing itinanggi ang anumang maling kilos o direktang ugnayan sa mga krimen ni Epstein.
Ang paglalabas ng mga dokumento ay alinsunod sa Epstein Files Transparency Act na nilagdaan ni US President Donald Trump noong Nobyembre, na nag-aatas ng ganap na pagsasapubliko ng lahat ng rekord kaugnay ng kaso. Gayunman, iginiit ng ilang mambabatas mula sa Democratic at Republican parties na may mga dokumento pa umanong hindi nailalabas ng administrasyon.
Habang patuloy naman ang panawagan ng mga mambabatas at biktima ng umano’y human trafficking network ni Epstein para sa buong transparency, pananagutan, at hustisya, habang binibigyang-diin ng mga awtoridad na ang mga imbestigasyon ay nananatiling bukas.
















