Bahagyang nadagdagan ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho sa pagtatapos ng taong 2025 kumpara noong buwan ng Nobyembre, ayon sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa inilabas na Labor Force Survey ng ahensya, iniulat ni National Statistician Claire Dennis Mapa na pumalo sa 49.43 milyon ang mga employed Filipinos nitong Disyembre 2025.
Katumbas ito ng 95.6% na employment rate sa buong bansa
Mas mataas ang naturang bilang kung ikukumpara sa 49.26 milyon na naitala noong Nobyembre, bagamat kapansin-pansing mas mababa ito sa 50.19 milyon na employment figures noong Disyembre 2024.
Samantala, nanatili naman sa 2.26 milyon ang bilang ng mga walang trabaho o unemployed, kaya’t nanatili sa 4.4% ang unemployment rate.
Sa kabilang banda, nakitaan ng positibong pagbabago ang kalidad ng trabaho matapos bumaba sa 8% ang underemployment rate.
Ibig sabihin nito, nabawasan ang bilang ng mga manggagawang naghahanap pa ng karagdagang oras ng trabaho o extra job upang matustusan ang kanilang pangangailangan.
Batay sa datos ng PSA, ang mga sumusunod na sektor ang naging pangunahing dahilan ng pagtaas ng employment:
Agriculture at forestry
Public administration at defense
Accommodation at food service activities
Inaasahan namang maglalabas ng karagdagang pagsusuri ang economic managers ng pamahalaan ukol sa naging galaw ng labor market sa pagpasok ng 2026.
















