Kinumpirma ni national security adviser John Bolton ang pagpapadala ng US military sa USS Abraham Lincoln Carrier Strike Group at isang bomber task force sa Central Command region ng Middle East upang magsilbi umanong mensahe para sa Iran.

Kasunod na rin ito ng lumalalang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa ukol sa umano’y nuclear program ng Iran kung saan target ng Washington na patawan ng sanctions ang uranium exports ng Tehran.

Ayon kay Bolton ito raw ay bilang tugon sa tinawag nitong ilang nakababahalang mga indikasyon at babala. Inamin din nitong handa silang rumesponde sa posibilidad ng pag-atake ng Iranian forces.

Layon din daw nito na ipaabot sa Iran ang isang malinaw na mensahe kung saan hindi raw nila palalampasin ang anumang pag-atake sa interes ng Estados Unidos o sa mga kaalyado nito.