Iniulat ng pamunuan ng National Food Authority na lilimitahan lamang nila sa 100 na sako ng bigas kada magsasaka ang kanilang bibilhin.
Ginawa ng ahensya ang pahayag kasabay ng paghihigpit nito sa mga guidelines sa pagbili ng palay sa mga lokal na magsasaka.
Layon ng mga panuntunan na ito ng NFA na matiyak ang pagkakaroon ng transparent sa proseso ng pagbili ng palay.
Makatutulong rin ito para matiyak na mabibigyan ng tamang benepisyo ang mga maliliit na magsasaka at proteksyon na rin laban sa mga mapagsamantalang traders ng palay.
Sa isang pahayag ay sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson ang limitasyon sa pagbili ng palay sa mga magsasaka ay ipapatupad nito tuwing panahon ng anihan.
Mananatili aniya ito dahil na rin sa kanilang limitadong pondo at kapasidad ng mga warehouses sa buong bansa.
Una nang sinabi ng ahensya na plano nitong magrenta ng mas maraming bodega para ma-accomodate ang mga binibentang palay ng mga magsasaka.