Iniatas ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang paglalagay ng malalaking karatula para sa libreng inter-terminal shuttle sa bawat terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang maging mas madali para sa mga pasahero na ito ay makita at mapuntahan.
Layunin nitong maiwasan na mapilitan ang mga pasahero na sumakay sa mga abusadong taxi sa paliparan.
Sa isinagawang inspeksyon, ipinag-utos din ni Sec. Dizon ang paglalagay ng mas malinaw at maayos na mga wayfinder at signage sa NAIA Terminal 3.
Aniya, marapat lamang na pagkalabas ng mga pasahero sa paliparan ay hindi na sila maguluhan kung saan magtungo. Sa mga karatula pa lamang na ilalagay sa loob ng airport ay malinaw at madali na itong maintindihan ng mga pasahero.
Ang mga hakbang na ito ay para siguruhin ang kaligtasan ng publiko at patuloy na pagandahin ang serbisyo para sa mas maginhawa at maayos na biyahe ng mga pasahero sa NAIA.