Sinabihan ng Palasyo ng Malakanyang si Vice President Sara Duterte na dapat maging totoo at tapat sa kaniyang mga pahayag para hindi magdulot ng kalituhan kaugnay sa kaniyang naging biyahe sa abroad.
Ito’y matapos opisyal na inanunsiyo ng Office of the President na bumiyahe patungong Australia si VP Sara Duterte para sa isang personal trip.
Sinabi ni Palace Press Officer USec. Claire Castro na hindi kinuwestiyon ng Office of the President ang naging mga biyahe ni VP Sara na siyang nagbigay sa kaniya ng travel order dahil karapatan ito ng pangalawang pangulo.
Gayunpaman nag iba ang pahayag ni VP Sara ng sabihin nito na nagkaroon siya ng official function sa Australia na taliwas sa naging opisyal na pahayag nito.
Dahil dito ayon kay USec. Castro dapat sa una pa lamang naging maliwanag ang biyahe nito.
Giit ni Castro, magkakaroon kasi ito ng ethical and accountability concerns matapos sabihin na personal trip gayung mayruon itong official functions na dinaluhan.
Ipinunto ni Castro dapat magbigay ng ulat si VP Sara sa taumbayan kung ano ang naging official functions nito sa Australia at kung sinu-sino ang kaniyang mga kasama at kung siya rin ba ang gumastos sa mga ito.