-- Advertisements --

Habang lumalala ang tensyon sa Middle East, nalalapit na ang ginagawang pagsasara ng Iran sa Strait of Hormuz kung saan 20% ng pandaigdigang suplay ng langis at gas ang dumaraan dito.

Matatandaang nag-ugat ang tensyon nang atakihin ng Israel ang military at nuclear facilities ng Iran at kamakailan lang din sinundan ito ng pambobomba ng Estados Unidos kung saan ipinagmalaki pa mismo ni U.S. President Donald Trump ang tagumpay sa kanilang operasyon.

Tinatayang kauna-unahang malawakang pag-atake ito ng US laban sa Iran mula nang bumagsak ang pro-Western na si Mohammad Reza Pahlavi noong 1979.

Nangako ang Tehran ng matinding babala at siniguro na gaganti ito, na siyang nagdulot ng takot sa seguridad ng Strait of Hormuz.

Una narito, sa isang pulong na isinagawa ng Organization of Islamic Cooperation (OIC) sa Istanbul noong Linggo, inakusahan ni Foreign Minister Abbas Araghchi ng Iran ang Amerika na lumagpas sa kanilang “a very big red line,” na isinalaysay ang ginawang pagbomba sa tatlo nilang nuclear facilities.

Nagbigay siya ng pahiwatig sa iba’t ibang posibleng paraan ng paghihiganti ng Iran ngunit hindi direktang sinagot kung isasara ba nila ang strait.

STRAIGHT OF HORMUZ: MAHALAGANG DAANAN NG PANDAIGDIGANG ENERHIYA

Matatagpuan sa pagitan ng Oman at United Arab Emirates sa timog at hilaga ng Iran ang Strait of Hormuz na siya namang nag-uugnay sa Persian Gulf papuntang Gulf of Oman at Arabian Sea.

Sa pinakamakitid na bahagi nito, umabot lamang ng 33 kilometro ang lapad ng daanan at may kapasidad na 3 kilometro para sa mga shipping lanes.

Mula kasi nang magsimula ang ginawang pagsalakay ng Israel sa Iran noong Hunyo 13, takot ang bumalot sa mga global energy trader dahil sa posibleng maantala ang operasyon ng langis at gas. Bagama’t tinutukoy ng US at Israel ang mga pangunahing pasilidad ng enerhiya ng Iran ang kanilang tinarget, ‘walang naiulat na maritime disruptions.

Gayunpaman, tumaas nang 55% ang mga freight rate buwan-buwan hanggang sa huling bahagi ng Hunyo, ayon sa Xeneta.

SINO NGA BA ANG MAGPAPASYA NG PAGSASARA?

Ayon sa Iranian state media, ang pinal na desisyon ay nasa kamay ng Supreme National Security ng Iran. Bagama’t sinuportahan ng parlamento ang pagsasara, wala pang pinal na batas para ipasara ito.

Matagal nang nagbanta ang Iran na isasara nila ang Straight of Hormuz tuwing may tensyon ngunit hindi pa nila ito ginagawa.

Kinumpirma din ito ni Esmail Kosari, miyembro ng National Security Commission ng parlamento, na bagamat pabor ang parlamento, ang huling pasya ay nasa Supreme National Security Council ng bansa.

Hindi direktang sinagot ni Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei ang tanong tungkol sa pagsasara ng strait, ngunit kinondena niya ang ginawang pag-atake ng Amerika at sinabi na kailangang parusahan ang Israel.

PAANO GAGAWIN ANG PAGSASARA?

Maaaring maglatag ng mga naval mine ang Iran sa Strait of Hormuz o gamitin ang kanilang hukbo at Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) para atakihin o lusubin ang mga barkong dadaan dito.

Ginamit na nila ang ganitong taktika noon sa panahon ng Iran-Iraq War noong 1980s, kung saan tinarget nila ang mga komersyal na barko pati na ang mga barkong pandigma ng Estados Unidos.

Magugunitang tumaas ang tensyon noong 2007 nang lumapit ang mga bangka ng Iran sa mga barkong pandigma ng US.

Noong Abril 2023, nasakop naman ng Iran ang isang tanker na may langis na naka-charter sa Chevron, at pinalaya lamang ito mahigit isang taon matapos ang pag-aresto.

EPEKTO SA PANDAIGDIGANG EKONOMIYA

Nanawagan si US Secretary of State Marco Rubio sa China na gamitin ang impluwensya nito upang pigilan ang Iran sa pagsasara ng strait, na tinawag niyang “economic suicide” para sa Iran.

Maaring mapasok sa digmaan ang mga bansang Arab sa Gulf kung isasara ang daungan, upang ipagtanggol ang kanilang mga interes sa kalakalan.

Apektado rin nito ang China, na pangunahing mamimili ng langis ng Iran sa kabila ng mga international sanctions. Ayon sa Goldman Sachs, maaring tumaas ang presyo ng langis ng higit $100 ang kada barells kung ma-block o maisara ang Strait of Hormuz, na magdudulot ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa buong mundo.

Bagamat may mga banta na noon ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga nakaraang digmaan tulad ng Gulf War noong 2003 at pagsalakay ng Russia sa Ukraine noong 2022, mabilis namang bumaba ang presyo matapos ang mga world spike dahil sa kakayahan ng ibang bansa na magtaas ng produksyon at pagbaba ng demand.