Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agad na makatatanggap ng tulong ang mga residenteng naapektuhan ng Bagyong Tino, matapos ipag-utos sa lahat ng ahensya ng pamahalaan ang mabilisang pagresponde sa kalamidad.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) at Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nasa mga apektadong lugar na ang mga ahensya ng gobyerno upang maghatid ng pagkain, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Ipinagbigay-alam ni Castro na agad nagpadala ang Department of Health (DOH) ng mga gamot, malinis na inuming tubig, hygiene kits, at water containers sa Cebu, Aklan, at Eastern Visayas ilan sa mga pinakaapektadong rehiyon.
Patuloy din umano ang pagbabantay ng DOH sa posibleng lahar threat sa Bulkang Kanlaon dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.
Samantala, namahagi naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mahigit 121,000 family food packs at 1,600 ready-to-eat meals sa mga rehiyon ng CALABARZON, Bicol, Visayas, Caraga, at ilang bahagi ng NCR at Zamboanga. Nagbigay din ito ng pinansyal na tulong sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at mainit na pagkain sa mga na-stranded na pasahero at motorista.
Ayon kay Castro, patuloy na bantay-sarado ng mga miyembro ng Gabinete ang sitwasyon upang matiyak ang mabilis na paghahatid ng tulong sa lahat ng apektadong lugar.
Samantala, iniulat ni DICT Secretary Henry Aguda na nakikipagtulungan ang ahensya sa mga pangunahing telecommunications companies Dito, Globe, at Smart upang mapabilis ang pagbabalik ng komunikasyon sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.
















