KALIBO Aklan – Kanselado na ang lahat ng byahe ng mga sakayang pandagat mula sa Caticlan port, Malay, Aklan patawid ng Batangas, Mindoro at Romblon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Lieutenant Commander Val Ernie Daitao, Philippine Coast Guard (PCG) Commander, Coast Guard Substation Aklan, mula nang itinaas sa tropical cyclone wind signal no. 2 ang buong lalawigan ng Aklan ay sinuspinde na nila ang lahat ng byahe ng mga sakayang pandagat patawid sa nasabing mga port entry at maging ang patawid sa isla ng Boracay mula alas-6:00 ng hapon, araw ng Lunes, Nobyembre 3, 2025.
Dagdag pa nito, sinuspinde rin ang mga water sports activities sa Boracay bilang pag-iingat dahil sa may kalakasan ang alon sa dagat.
Pinaalalahanan rin nito ang mga turista at iba pang bisita na iwasan muna maligo sa may kalalimang dagat sa kasagsagan ng malakas na alon.
Hinihikayat din niya ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot at huwag nang magpumilit pang mag-layag para sa kanilang kaligtasan
Tiniyak din niya na mahigpit ang kanilang pagbabantay at pagpapa-alala sa kanilang nasasakupan upang maiwasan ang anumang hindi inaasahang pangyayari.
		
			
        















