Agad umanong paiimbestigahan ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang lumabas sa report ng Commission on Audit (COA) na naantalang pagbili ng gamot ng Bureau of Corrections (BuCor) para sa mga persons deprived of liberty (PDLs).
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, sa congested na mga piitan sa bansa na mataas ang tiyansa ng pagkakasakit ay kailangan talaga ang gamot.
Naniniwala itong ang gamot na ang susunod na pangangailangan ng mga inmate sa araw-araw maliban sa kanilang pagkain.
Dahil dito, ang pagkaantala ng pagbili o pag-deliver sa mga gamot ay dapat umanong kaagad na matugunan.
Una rito, lumabas sa report ng COA na ang mga namatay na PDLs sa New Bilibid Prisons (NBP) at Correctional Institution for Women (CIW) dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay napagkaitan o hindi kaagad nabigyan ng gamot dahil na rin sa delayed na pagbili ng BuCor.