Kinumpirma ng Quezon City Police District (QCPD) na may walong police officers ang nasugatan sa nangyaring tensiyon sa kasagsagan ng protesta ng ilang progresibong grupo sa labas ng House of Representatives sa Batasan Hills sa Quezon City, kahapon Setyembre 5.
Ayon sa pulisya, nasa 300 protesters ang nagtipun-tipon sa may IBP Road bandang alas-10 ng umaga nang walang permit para magsagawa ng kilos protesta salig sa Batas Pambansa bilang 880 o Public Assembly Act of 1985.
Nagdulot naman ng trapiko ang naturang rally sa lugar.
Ipinatupad ng kapulisan ang maximum tolerance para mapangasiwaan ang sitwasyon subalit sumiklab ang tensiyon nang ilang demostrador ang naging agresibo na nagresulta sa maliit na sagupaan ng mga protester at kapulisan na nag-iwan ng ilang sugatang pulis.
Sa ngayon, iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente at nangakong papanagutin ang mga mapapatunayang lumabag sa batas.