-- Advertisements --

Tatlong katao, kabilang ang isang sanggol, ang nasawi habang 18 iba pa ang nasugatan sa mga pag-atake ng Russia sa Kyiv, ang kabisera ng Ukraine noong linggo ng madaling araw.

Ayon kay Mayor Vitali Klitschko, nagsimula ang pag-atake gamit ang mga drone at sinundan ng missile strikes, na nagdulot ng sunog sa mga gusali, kabilang ang isang gusali ng gobyerno sa sentro ng lungsod.

Iniulat ni Klitschko na ang sanggol at isang batang babae ay namatay sa mga drone attacks, habang isang buntis na babae ang isinugod sa ospital. Isang matandang babae naman ang namatay sa isang bomb shelter sa Darnytskyi district sa silangang bahagi ng Kyiv.

Samantala nagdulot din ng malaking pinsala sa mga residential building ang pag-atake sa Darnytskyi at Sviatoshynskyi districts.

Sa Darnytskyi, nasunog ang ilang palapag ng isang apartment building, at sa Sviatoshynskyi, ilang palapag ng isang siyam na palapag na gusali ang nawasak.

Habang ang mga debris mula sa mga bumagsak na drone ay nagdulot din ng sunog sa ibang mga high-rise na gusali.

Inakusahan ni Timur Tkachenko, pinuno ng military administration ng Kyiv, ang Russia sa pag-sadya umano nitong pag-target sa mga sibilyan, na mariing itinanggi ng Moscow.

Patuloy na itinanggi ng parehong panig na nagta-target sila ng mga sibilyan, ngunit libu-libong buhay na ang nawala mula nang magsimula ang digmaan noong Pebrero 2022.