-- Advertisements --

Aminado ang Commission on Elections (COMELEC) na hindi nila kayang hadlangan ang pagpasok ng mga contractor at miyembro ng political dynasty sa kasalukuyang Partylist system.

Sa naging pagtatanong ni Rep. Chel Diokno sa budget deliberation ng House Committee on Appropriations ukol sa party-list representation, sinabi ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na naging butas na ng batas ang sistema kung saan kahit ang mga mayayamang negosyante o mga kilalang pamilya sa politika ay nagagamit ito upang makapasok sa Kongreso.

Giit ni Garcia, kailangan na ng isang malawakang rebisyon sa umiiral na Partylist Law na ilang dekada nang ipinapatupad. Aniya, bagaman ang layunin nito ay bigyang tinig ang marginalized sector, unti-unti itong nalilihis dahil sa pagsasamantala ng ilang grupo.

Dagdag pa ng opisyal, tanging Kongreso lamang ang may kapangyarihang amyendahan ang batas upang maibalik ang tunay na diwa ng representasyon para sa mga mahihirap at mga sektor na walang boses.

Iminungkahi rin ni Garcia sa Kongreso na i-define na ang mga particular sectors para sa party-list system para ito na ang pagbabasehan ng mga party-list groups at organization. Aniya, kung saan nakapailalim ang isang grupo, sila-sila na ang maglalaban-laban upang matiyak na well-represented ang lahat katulad ng ginawa ng Bangsamoro Transition Authority.

Kaugnay nito inihayag ni Garcia na handa silang ipasa sa Kamara ang kanilang proposed Omnibus Election Code kung saan nakapaloob ang mga batas sa halalan na pinapanukalang repasuhin. Base ito sa obserbasyon ng COMELEC sa mga nagdaang eleksyon.

Ito naman ay sinuportahan ni Diokno at hiling na sana’y mabigyan ng pagkakataon ng Kongreso na mapag-aralan.