Isiniwalat ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang umano’y humiling ng “insertion” o dagdag-pondo sa 2026 National Expenditure Program (NEP) mula sa tanggapan ni Senate Minority Leader Tito Sotto III.
Sa isang panayam, sinabi ni Lacson na si DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral umano ang tumawag sa staff ni Sotto upang magtanong kung nais nilang magsumite ng mga panukalang proyekto na maaaring maisingit sa budget.
Kinumpirma ni Sotto ang insidente at iginiit na tinanggihan niya ang alok. Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Cabral ukol sa isyu.
Kaugnay nito, lumutang ang iba pang isyu sa DPWH, kabilang ang mga ghost projects na hindi pa makumpirma ni Cabral noong huling pagdinig sa Senado.
Maaalalang ibinunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na 20% ng P545 billion budget para sa flood control projects ay napunta lamang sa 15 kontratista, kung saan lima sa mga ito ay may proyekto sa halos lahat ng rehiyon sa bansa.
Dahil dito, ipinagpaliban ng House appropriations panel ang pagtalakay sa panukalang P880 billion budget ng DPWH para sa 2025, habang hinihintay ang pagsumite ng errata o pagbabago mula sa ahensya.
Sa nasabing pondo, P268 billion ang nakalaan para sa flood control, o higit 32% ng buong budget ng DPWH.
Samantala, inamin naman ni bagong DPWH Secretary Vince Dizon na dapat bawasan ang budget ng ahensya dahil may mga proyektong tapos na o hindi na kailangan sa ilang lugar.