-- Advertisements --

Nagbitiw na sa kanyang puwesto si Japan Prime Minister Shigeru Ishiba upang maiwasan ang isang pagkakabahagi sa loob ng kanyang partido, ang Liberal Democratic Party (LDP), ayon sa ulat ng NHK.

Si Ishiba ay naging prime minister noong Oktubre 2024 at pinangunahan ang isang coalition sa pagitan ng LDP at Komeito.

Sa kanyang pamumuno, nawalan ng majority sa parehong mababang kapulungan at mataas na kapulungan ng parlamento ang kanyang coalition, kasunod ng galit ng mga botante sa patuloy na pagtaas ng mga gastusin sa bansa.

Dahil dito nawala ang majority sa mababang kapulungan noong Oktubre 2024 at ang majority sa mataas na kapulungan noong Hulyo 2025.

Matapos matalo noong Hulyo, sinabi ni Ishiba na tinanggap niya ang “mabigat na resulta” ng eleksyon ngunit nagpasya siyang manatili bilang prime minister.

Samantala, nakatakda naman magbotohan sa Lunes, Setyembre 8, ang mga miyembro ng LDP upang magdesisyon kung maghahanda ng isang extraordinary leadership election.

Dahil sa mga agam-agam sa political uncertainty, bumaba ang salapi ng Japan at ang pagbebenta ng Japanese government bonds, kasabay ang yield ng 30-year bond na tumaas sa pinakamataas na antas noong Miyerkules.

Dagdag pa nito nakapokus naman ang posibilidad na mapalitan si Ishiba ng isang pinuno na magbibigay ng mas maluwag na fiscal at monetary policy, tulad ni Sanae Takaichi, na kritikal pagdating sa pagtaas ng interest rate ng Bank of Japan.

Si Takaichi nga ay natalo ni Ishiba sa LDP leadership run-off.

Kamakailan nga lang ay natapos ni Ishiba ang isang kasunduan sa Estados Unidos, kung saan nangako ang Japan ng $550 billion na pamumuhunan bilang kapalit ng pagbaba ng taripa sa sektor ng mga sasakyan ng Japan.