Nais ng Estados Unidos na palakasin ang kakayahan ng mga mangingisdang Pilipino upang maging “mata at tenga” laban sa ilegal na pangingisda at pagkasira ng karagatan na dulot ng mga karatig-bansa, partikular na sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Jonathan Fritz ng U.S. State Department, kabilang sa prayoridad ng bagong foreign aid ng Amerika sa Pilipinas ang pagtugon sa illegal fishing, lalo na mula sa China at iba pang bansa. Kasama ito sa $63 million na tulong na inihayag ni U.S. State Secretary Marco Rubio noong Hulyo.
Layunin ng programa na sanayin at suportahan ang mga lokal na mangingisda upang makapag-ulat ng mga dayuhang barkong nanghihimasok sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Bahagi rin ng inisyatibo ang pagbantay sa polusyon sa dagat at pagkasira ng mga coral reef.
Samantala nakatakda namang bumisita si Fritz sa Pilipinas upang pag-usapan ang mga proyektong tutugon sa illegal fishing, disaster readiness, at pagpapalakas ng Luzon Economic Corridor.