-- Advertisements --

Naisumite na ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP HPG) ang mga dokumentong kakailanganin para sa pagsususri ng legalidad ng mga luxury cars ng pamilya Discaya sa Bureau of Customs (BOC).

Ito mismo ang kinumpirma ni Highway Patrol Group Spokesperson Lt. Dame Malang sa isang pulong balitaan sa Kampo Crame.

Kasunod nito ay nilinaw ni Malang na sila ay inatasan lamang ng Customs na kumalap ng mga impormasyon na kakailanganin para alamin ang mga legalidad at pinagdaanang proseso ng mga naturang sasakyan.

Kasunod nito kinumpirma rin ni Malang na natapos na nila isailalim ang mga sasakyan sa verification at sa validation at kasalukuyan nang naghihintay ng sagot mula sa Customs.

Batay naman sa datos ng HPG, walo sa 12 mga sasakyang nakasaad sa inihaing search warrant ng BOC ang isinaialim na nila sa pagsisiyasat kung saan napagalaman na wala namang namataang iregularidad at lahat ng mga sasakyan ay rehistrado at may mga legal na plaka.

Nanindigan naman ang HPG na wala silang hurisdiksyon na kumpiskahin ang mga luxury cars na ito ngunit nagpahayag rin ng kumpirmasyon na mananatiling bukas ang kanilang hanay na makpagbigay pa ng karagdagang tulong sa BOC upang hindi maantala ang kanilang ikinakasang imbestigasyon.

Samantala, ang mga dokumento naman na naglalaman ng naging resulta ng kanilang singawang berepikasyon ay kasalukuyan nang naisumite sa BOC.

Magugunita naman na nauna na dito ay nagsagawa na ng kanilang pagsalakay at inspeksyon ang BOC sa St. Gerrard Construction building na pagmamayari ng mga Discaya kung saan dalawa lamang ang nakita nilang nasa parking ng naturang gusali.