-- Advertisements --

Kasalukuyan nang nasa maayos na kalagayan ang isang personnel mula sa Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP HPG) matapos ang sinapit nitong pananambang nitong Biyernes.

Sa naging ekslusibong pagbisita ng Bombo Radyo Philippines sa mismong pinangyarihan ng krimen, napagalamang ninakawan at pinagbabaril ng riding-in-tandem ang naturang intel personnel sa tapat ng isang carwash sa Makati bandang 8:00pm ng gabi.

Nagtamo ng siyam na tama ng bala ang pulis kung saan walo dito ang tumama sa tiyan ng biktima habang isa naman ang tumama sa balikat nito. Mula naman sa ospital malapit sa Makati City ay inilipat na sa ibang ospital ang biktima at kasalukuyan nang nasa stable na kondisyon matapos ang insidente.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, on duty o nasa isang official mission ang biktima na dapat sana papunta upang kitain ang isa pang intel officer ngunit sa kasamaang palad ay naging biktima pa sa naturang insidente.

Samantala, tukoy na ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek at kasalukuyan nang inaalam ang kinaroroonan ng mga ito.

Habang kasalukuyang ring tinitignan ang iba pang motibo sa krimen lalo na at posibleng may kinalaman rin ang trabaho ng biktima sa dahilan ng pananambang.

Sa ngayon ay pagnanakaw ang nangingibabaw na dahilan sa krimen matapos na makuha sa biktima ang kwintas nito, wallet, cellphone at ang kaniyang service firearm.

Sa kasalukuyan naman ay nagpapagaling na ang biktima habang nagdulot naman ito ng trauma sa kaniyang anak na siyang isa rin sa mga nakasaksi sa krimen.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigayon ng PNP sa naturang insidente.