-- Advertisements --

Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark ang mga kush o high-grade marijuana na nakatago sa loob ng mga laruang tinatawag na Labubu toys.

Ayon sa Bureau of Immigration (BI), 538 gramo ng kush na nagkakahalagang P807,000 ang isinilid sa loob ng parcel na idineklarang Labubu keychains. Ang naturang padala ay mula umano sa Hong Kong at nakatakda sanang ipadala sa Biñan, Laguna.

Dumating ang parcel sa Pilipinas noong Nobyembre 15 at na-flag ng X-ray Inspection Project ng BOC matapos lumabas sa scanner ang mga imahe ng droga.

Kasunod nito, nagsagawa ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng K9 sniff test noong Nobyembre 19, na nagbigay ng positibong indikasyon na naglalaman ang parcel ng narcotics.

Sa isinagawang physical examination, tumambad ang dalawang kahon ng Labubu keychains. Bawat kahon ay naglalaman ng dalawang transparent sealed pouches (nakasilyang pakete) na may mga tuyong dahon at fruiting tops na hinihinalang marijuana.

Naglabas naman ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) para sa kargamento dahil sa paglabag nito sa Customs Modernization and Tariff Act kaugnay ng Dangerous Drugs Act.