-- Advertisements --

Nagresulta sa pagkaka-aresto ng isang High-Value Individual (HVI) at ng kanyang kasabwat ang isinagawang operasyon ng mga otoridad kagabi, Enero 6, sa Purok 2, Barangay Dampas, Tagbilaran City, Bohol.

Nadakip ng pulisya ang isang 39-anyos na lalaking drayber, na itinuturing na HVI at residente ng Barangay Canmanico, Valencia, Bohol.

Huli rin ang kanyang 47-anyos na kasabwat isang babaeng hindi na pinangalanan mula Muntinlupa City, Metro Manila.

Narekober mula sa posisyon ng mga ito ang 10,285.6 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱69,942,080.

Kasama rin sa mga nakumpiskang item ang isang cellphone, buy-bust money, isang itim na eco bag na ginagamit bilang lalagyan ng mga ilegal na droga, at isang puting Isuzu MU-X na umano’y ginamit sa transportasyon ng mga nasabing droga.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Tagbilaran City Police Station ang mga naarestong suspek habang ang mga nakumpiskang ebidensya ay isinasailalim sa pagsusuri ng Provincial Forensic Unit.

Inihahanda na rin ang kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek.

Pinuri naman ni Provincial Director PCOL Patricio Degay Jr. ang mga operatiba ng PIU at PDEU at binigyang diin ang patuloy na pangako ng Bohol Provincial Police Office sa kaligtasan at seguridad ng publiko.

“This accomplishment sends a clear message of our commitment to public safety. As 2026 begins, the Bohol Police Provincial Office remains proactive and committed to working tirelessly with the community for a safer and more secure Bohol. We will maintain this momentum and continue delivering results,” saad pa ni Degay.