-- Advertisements --

Pinapasama ng grupong Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang mga pulitiko na umano’y sangkot sa anomalyang bumabalot sa mga flood control project, sa Immigration Lookout Bulletin.

Unang hiniling ng Kongreso at ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Department of Justice at Bureau of Immigration na maglabas ito ng lookout bulletin laban sa ilang mga opisyal ng DPWH at mga contractor upang hindi muna maka-biyahe ang mga ito sa ibang bansa.

Giit ng LCSP, dapat ay isama rin sa listahan ang lahat ng pulitikong sangkot sa anomalya.

Maari aniyang matukoy na agad ang mga naturang pulitiko at maisama sa pagbabantay ng immigration, upang hindi matakasan ang kani-kanilang mga pananagutan.

Maging si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan ay dapat din umanong kabilang sa naturang listahan.

Nanindigan ang grupo na ang pagsama sa mga malalaking pangalan sa ilalim ng lookout bulletin ay upang masigurong mabilis ang pag-usad ng mga gumugulong na imbestigasyon laban sa mga maanomalyang proyekto.