-- Advertisements --

Sa unang pagkakataon sa loob ng 124 na taon, bumisita ang limang kasalukuyang mahistrado ng Korte Suprema ng Pilipinas sa lalawigan ng Sulu nitong Huwebes, Setyembre 4, upang opisyal na markahan ang pagsisimula ng construction ng Hall of Justice sa nasabing probinsya.

Pinangunahan ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang delegasyon ng Korte Suprema, kasama sina Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen at mga Associate Justices Jhosep Lopez, Japar Dimaampao, at Jose Midas Marquez.

Mainit silang sinalubong nina Sulu Gov. Abdusakur Tan II, Vice Governor Abdusakur Tan, Sulu 1st District Representative Samier Tan, at Kusug Tausug Party-list Representative Aiman Tan, na nagpahayag ng pasasalamat sa makasaysayang pagbisita ng mga mahistrado.

Ayon sa mga lokal na opisyal, ang pagbisita ay nagbibigay ng pag-asa sa mga anak at apo ng mga taga-Sulu, bilang patunay na may katarungan sa isa sa mga pinakamalayong bahagi ng bansa.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Chief Justice Gesmundo na ang pagtatayo ng Hall of Justice ay hindi lamang pisikal na estruktura, kundi simbolo ng mas makatarungan, mas matatag, at mas maasahang kinabukasan para sa mga taga-Sulu—kung saan ang mga alitan ay nalulutas sa pamamagitan ng batas at hindi ng karahasan.

Kasama rin sa paglalakbay si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Carlito Galvez Jr., na lumipad kasama ang mga mahistrado mula Zamboanga patungong Sulu sakay ng dalawang Black Hawk helicopters.

Ang itatayong Hall of Justice ay magkakaroon ng modernong disenyo na may glass structure at neoclassical façade, at itatayo sa Sulu Provincial Capitol Grounds sa Patikul, Sulu.