Tinawag ni Atty. Domingo “Egon” Cayosa, constitutional law expert at dating presidente ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), na “pinaka-binatikos at kinuwestiyong desisyon” sa kasaysayan ng bansa ang naging pasya ng Korte Suprema kaugnay ng motion for reconsideration ng Kamara sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Cayosa, kuwestiyonable ang ruling ng Supreme Court (SC) na nag-deny nang may finality sa mosyon ng House of Representatives.
Noong Enero 29, 2026, naglabas ng en banc ruling ang SC na pinagtibay ang naunang desisyon nitong Hulyo 25, 2025 na nagsasabing unconstitutional ang impeachment complaint laban kay Duterte.
Batay sa SC, nilabag ng Kamara ang probisyon ng Article XI, Section 3 ng Konstitusyon dahil sa multiple impeachment complaints na isinampa sa loob ng isang taon.
Gayunpaman, para sa mga kritiko, kabilang si Cayosa, ang desisyon ay nagdulot ng mas malalim na usapin sa separation of powers at accountability ng mga opisyal.
Matapos ang ruling ng SC, muling naghain ng impeachment complaint ang Makabayan bloc laban kay Duterte ngayong araw.
















