Naglabas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 024-2026 na naglilinaw na ang kita mula sa cross-border services ay hindi awtomatikong sakop ng Philippine income tax.
Layunin ng circular na magbigay ng mas malinaw na guidelines kung paano dapat tasahin ang mga transaksyong ito para sa income tax purposes.
Ang RMC ay nakabatay sa desisyon ng Supreme Court (SC) sa kasong Aces Philippines Cellular Satellite Corporation v. Commissioner of Internal Revenue, matapos lumabas ang pangamba na ang dating mga panuntunan ay naia-apply nang lampas sa kanilang saklaw.
Ayon sa BIR, bilang pangkalahatang tuntunin, ang kita mula sa serbisyo ay tinatax kung saan isinagawa ang serbisyo.
Bagama’t pinapayagan ng SC ruling na isaalang-alang kung saan nararanasan ang benepisyo ng serbisyo o kung saan nagaganap ang economic activity, binigyang-diin ng BIR na ang taxability ay dapat pa ring nakabatay sa partikular na facts ng bawat kaso.
Inaatasan ng circular ang mga revenue officers na suriin ang buong service agreements at iwasang gawing batayan ang isang aktibidad lamang para sa taxation.
Kinakailangan ding malinaw na mailahad ang legal at factual basis ng anumang tax assessment, alinsunod sa Section 228 of the Tax Code.
Para sa compliance, binanggit ng BIR ang mga dokumentong maaaring ipakita ng taxpayers sa audit, gaya ng service contracts, proof of foreign performance, at tax residency certificates.
Nilinaw din ng circular na hindi kailangan ng prior BIR ruling upang makuha ang tamang tax treatment ng cross-border transactions, basta’t may sapat na ebidensya ang taxpayers sa assessment.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, layunin ng circular na tiyakin ang mas consistent at patas na aplikasyon ng tax rules.
“The circular ensures that both revenue officers and taxpayers apply the rules on cross-border services in line with law and jurisprudence. It reinforces our commitment to fair enforcement while providing clear guidance to taxpayers,” ani Mendoza.
















