Very flattered si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa naging trato nina Japanese Emperor Naruhito at Empress Masako sa kaniya at kay FL Liza Marcos, habang ito ay nasa Tokyo,Japan para sa apat na araw na state visit.
Sa pagtatanong ng Bombo Radyo kay Pangulong Marcos kaugnay sa kung ano ang kanilang napag usapan, tugon ng Pangulo na pangunahing tinalakay nila ni Emperor Naruhito ay ang pagpapalawak, pagpapalalim, at pagpapatibay ng ugnayan ng Pilipinas at Japan.
Napag-usapan din nila ang mga posibleng hakbang upang higit pang mapalapit ang relasyon ng dalawang bansa.
Sa state dinner kasama sina Emperor Naruhito at Empress Masako, naging mas personal ang usapan at kanilang tinalakay ang magkakatulad nilang karanasan sa Oxford University at ang kanilang hilig sa musika.
Inilarawan ni Pang. Marcos ang kanilang pag-uusap bilang mainit at magaan.
Aniya, bagama’t kilala ang Japan sa mahigpit na pagsunod sa pormalidad at tradisyon, naging napakabait at magiliw ang Emperor at Empress at itinuring silang parang matagal nang kaibigan.
Nagpasalamat din ang Pangulo sa mainit na pagtanggap at mahusay na pagho-host ng Japanese Imperial Family.
Ikinagulat din ng Philippine Media Delegation na lumapit sina Emperor Naruhito at Empress at tinanong kung kamusta kami.
Tugon ng mga media na mabuti naman, ikinatuwa din ng Imperial couple na nagugustuhan ng mga Pilipino ang pagkaing Hapon.
Ang ginawang paglapit nina Empress Masako at Emperor Naruhito sa mga Filipino media ay hindi nila karaniwang ginagawa, maikukunsidera itong rare moment.















