-- Advertisements --

Ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman ang mosyon ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na humihiling ng Temporary Restraining Order (TRO) upang pigilan ang mga awtoridad na ipatupad ang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Sa special en banc session ng Supreme Court noong Mayo 20, 2026, bumoto ang mga mahistrado ng 9-5-1 pabor sa pagtanggi sa kahilingan ng senador.

Ayon sa Korte Suprema, ang desisyon ay tumutukoy lamang sa mga interim reliefs gaya ng TRO at Status Quo Ante Order, at hindi pa nito nireresolba ang pangunahing isyu ng kaso.

Ang buong resolusyon, kasama ang mga hiwalay na opinyon ng mga mahistrado, ay nakatakdang ilabas sa Mayo 25, 2026.

Sa kanyang petisyon, hiniling ni Dela Rosa na pigilan ang Department of the Interior and Local Government, Department of Justice, Department of Foreign Affairs, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Bureau of Immigration, Armed Forces of the Philippines, at Criminal Investigation and Detection Group na ipatupad ang anumang warrant mula ICC, Interpol red notice, o anumang dayuhang judicial instrument nang walang kaukulang Philippine judicial warrant.

Ang ICC arrest warrant laban kay Dela Rosa ay kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na umano’y naganap sa ilalim ng Davao Death Squad at sa kampanya kontra-droga ng administrasyong Duterte.

Itinuturing siyang “co-perpetrator” sa mga sistematikong pagpatay na naganap sa pagitan ng Hulyo 2016 at Abril 2018.

Matatandaang nagsumite si Dela Rosa ng TRO request pa noong Nobyembre 2025, bago pa man opisyal na i-unseal ng ICC ang warrant noong Mayo 11, 2026.

Sa kabila ng kanyang pagkatago ng anim na buwan, muling lumitaw siya sa Senado noong Mayo 11 upang suportahan ang coup na nagluklok kay Senador Alan Peter Cayetano bilang Senate President.

Dalawang araw matapos nito, nagkaroon ng kaguluhan sa Senado nang magpaputok ng baril ang Senate sergeant-at-arms Mao Aplasca, na kalaunan ay sinuspinde ng Ombudsman.

Nakalabas si Dela Rosa sa compound bandang alas-2:30 ng madaling araw noong Mayo 14 at muling nagtago.

Sa ngayon, nananatiling nakabinbin ang pangunahing petisyon ni Dela Rosa at hindi pa tiyak kung agad na ipatutupad ng administrasyong Marcos ang ICC arrest warrant matapos ang pagtanggi ng Korte Suprema sa TRO.