-- Advertisements --

Pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol ng pagkakakulong laban sa tatlong pulis na sangkot sa pagpatay kay Kian Loyd delos Santos noong 2017 sa Caloocan City.

Sa desisyon ng Second Division na isinulat ni Associate Justice Jhosep Lopez, ibinasura ang apela nina Arnel Oares, Jeremias Pereda, at Jerwin Cruz at kinumpirma ang hatol na murder.

Ang tatlong pulis ay pinatawan ng reclusion perpetua o hanggang 40 taon na pagkakakulong at inatasang magbayad ng ₱275,000 bilang danyos sa pamilya ng biktima.

Batay sa ebidensya, si Kian ay hinarang, pinilit magdala ng baril, at kalaunan ay binaril habang nakaluhod o nakaupo, patunay na wala siyang kakayahang ipagtanggol ang sarili.

Tinukoy ng Korte Suprema na may treachery sa krimen dahil sinadya ng mga akusado na ilagay si Kian sa posisyong walang laban bago siya patayin.

Nauna nang hinatulan ng Caloocan RTC at ng Court of Appeals ang tatlong pulis noong 2018, at ngayon ay tuluyang pinagtibay ng SC ang desisyon.

Ang kaso ni Kian ay nananatiling simbolo ng kontrobersyal na war on drugs at isa sa mga bihirang pagkakataon na naparusahan ang mga pulis sa kasong extrajudicial killing.