-- Advertisements --

Pinagtibay ng Kataas-taasang Hukuman ang hatol o ‘conviction’ sa tatlong pulis na pumaslang kay Kian delos Santos sa isinagawang anti-drug operation noong 2017 sa Caloocan City.

Sa desisyon isinulat ni Associate Justice Jhosep Y. Lopez, nakasaad rito napatunayang may sala sa kasong murder ang tatlong pulis na sina Arnel Oares, Jeremias Pereda, at Jerwin Cruz.

Sila’y nahatulan ng parusang ‘reclusion perpetua’ o pagkakakulong na aabot sa 40 taon kasabay ng kabayaran P275-libo danyos sa pamilya ng biktima.

Batay sa impormasyon, gabi noong ika-16 ng Agosto, 2017, nang makita ng mga testigo ang mga pulis na huminto at kinakapan si Kian delos Santos.

Matapos ang umano’y pinagsususpetyahan na may ilegal na droga, ang mga pulis ay sinuntok ang biktima hanggang sa ito’y umiyak at magmakaawa na makauwi na lamang.

Ayon sa mga testigo’y pinilit si Kian humawak ng tuwalya na mistulang baril bago dalhin sa madilim na lugar malapit sa ilog.

Ilang saglit pa’y pinutukan ng baril si Kian nang maraming beses nina Oares at Pereda habang si Cruz nama’y tagabantay.

Sinampahan ng kaso ang naturang mga pulis ngunit iginiit na sila’y rumesponde lamang sa ilegal na aktibidad may koneksyon sa droga at kanilang panig pa ang unang pintukan ng baril kung kaya’t lumaban pabalik.

Ang sinasabing ito sa panig ng depensa ay ibinasura ng Korte Suprema bagkus pinagtibay ang hatol o ‘conviction’ ng Regional Trial Court at Court of Appeals kontra mga sangkot na pulis.

Binago nga lang ng Kataas-taasang Hukuman ang pataw na parusa, tinanggal nila na magkaroon ng tyansa o ‘eligibility’ ang mga nahatulan para makakuha ng ‘parole’.