Igagalang ng Mababang Kapulungan ang desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklarang labag sa Konstitusyon ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, kahit pa ito’y ikinadismaya at anila’y lumalabag sa awtonomiya ng Kongreso.
Ayon kay Senior Deputy Majority Leader Lorenz Defensor, susunod ang House of Representatives sa ruling ng Korte Suprema ngunit maghahanda sila ng rebisyon sa kanilang mga patakaran sa impeachment upang maging mas malinaw at tiyak, alinsunod pa rin sa 1987 Constitution.
Sinabi ni Defensor na nababahala siya dahil tila dinidiktahan umano ng Korte Suprema kung paano bibilangin ang “session days” at kung paano dapat iproseso ang impeachment, na para sa kanya ay eksklusibong kapangyarihan ng Kongreso.
Matatandaan kasi na sa desisyon ng Korte Suprema noong Hulyo 25, 2025, idineklarang walang bisa ang impeachment laban sa Bise Presidente dahil sa paglabag sa one-year bar rule, kaya’t maaari lamang maghain muli ng bagong reklamo pagsapit ng Pebrero 6, 2026.
Bilang paggalang sa Hudikatura, sinabi ni Defensor na isasama sa binagong House rules ang desisyon ng Korte Suprema, kahit hindi sila sang-ayon dito.
















