Inihimlay na ang mga labi ng walong biktima ng umano’y extra judicial killings sa war on drugs ng Duterte administration sa Caloocan City ngayong Sabado, Oktubre 4.
Isinagawa ang taimtim na inurnment ceremony sa Dambana ng Paghilom sa La Loma Catholic Cemetery sa naturang siyudad.
Dinaluhan ito ng mga miyembro ng pamilya ng mga biktima kasama ang mga kinatawan ng Buhay ang People Power Campaign Network at 2025 Ramon Magsasaysay Awardee na si Fr. Flavie Villanueva.
Sa naturang event, inihayag ni Kiko Aquino Dee, ang co-convenor ng Buhay ang People Power Campaign Network, na may mas malinaw ng pag-unawa ang publiko sa bigat ng kaso, ngayong natukoy na ng International Criminal Court (ICC) ang tatlong bilang ng pagpatay para sa 43 mga biktima ng drug war. Ang mga ito aniya ang pinaka-kumakatawan sa libu-libong pinatay noong panahon ng tokhang.
Sinabi din niyang bagamat nakakabahala ang pagkaantala ng proceedings laban sa dating Pangulo, lumalapit na aniya patungo sa pagkamit ng hustisiya at umaasang magpapatuloy na ang pagdinig sa confirmation of charges laban sa dating Pangulo.
Ang naturang seremoniya din ang hudyat ng pagtatapos ng “Justice for All Campaign” na inilunsad para ipanawagan ang pananagutan para sa EJK.
Nagsimula ang naturang kampaniya noong Agosto 17 kasabay ng ika-walong anibersayo ng pagkamatay ni Kian delos Santos, isang biktima ng EJK sa ilalim ng drug war, na kumitil ng mahigit 6,000 drug suspects sa kasagsagan ng police operations, subalit ayon sa human rights organizations, posibleng papalo sa 30,000 ang bilang ng mga napatay dahil sa mga unreported incidents.